Liwánag sa Pebréro / Light in February


Mga Iláng Tagpô sa Únang Dálaw Pagkatápos ng Pandémya

Liwánag sa Pebréro

Ni Réy Venturà

Tatlong taon matapos humupà ang pandémya na dúlot ng Covid19 virus, muli akong dumálaw sa Pilipínas mula Japan noong Pebréro 2023 . Bagamat doble ang pamasahe, nagpasya akong magbakasyon (at ipagpatuloy ang pagsasaliksík para sa isang book project), nang dalawang linggo. Pansamantala akong tumigil sa isang pension sa Malate. 

Áraw-áraw akong lumalabas at naglilibot sa Kamaynilaan, mga karátig bayan at probinsya. Sa bawat lákad, nakaugalian ko nang pumitík. Lagi akong may bitbit na kamera; kadalasan smartphone o compact digital; minsan DSLR din ang gamit. Ang pagkuha ng laráwan ay ‘di lamang bahagi ng aking trabaho, kundi ito’y naging parte na rin ng pag-áraw-áraw na routine.

Sa únang umaga ko sa hotel, sa labas ng aking kwarto, isang halaman ang pumukaw sa aking pansin: Dumb cane plant (Besar putih/Dieffenbachia amoena). Ang látag at dampî ng liwánag (na sinalà ng mga dáhon at sangá ng malabay na punòng manggá) sa mga bátik-bátik na dáhon nito ay nakabibighanì. Ito ang una kong pitik.

Mula sa pension, naglakad ako nang isa’t kalahating oras patungo sa dalampasígan ng Baseco (sa likod ng Manila Hotel) upang dalawin ang isang kaibigan. Sa halip na sumakay ng jeep o traysikel, minabuti kong gamiting aking mga paa – ang larawanista o litratista ay dapat naglalakad. 

Sa sumunod na áraw, ang kahabaan ng Mabini St sa Ermita naman ang aking binaybay, at naglibot sa paligid nito. Ang mga graffiti sa pader ay lalong nabigyan ng kahulugan nang biglang sumíngit ang mga batang lansangan at magsayawan sa loob ng kuwadro. 

Ísang hapon, naglibot din ako sa U-Belt upang gunitain ang mga ‘maraming araw na laging gutom ang sikmura’ dahil sa hirap ng buhay. Isang buong-hapon din ang aking ginúgol upang makipag-huntáhan sa isang makata sa tabing Ilog ng Marikina. Sa huling áraw bago bumalik ng Yokohama, sumakay ako ng bus patungo sa San Fernando, Pampanga upang kumustahin ang isang lola. Sa kasamaang-palad, sumalangit na siya; taimtim akong nag-iwan ng isang maikling dalangin sa kanyang puntód.

Ang mga aníno sa pader ay ang pangwakas na laráwan. Ang mga nagsasalimbayan na dáhon at sanga ng palmera ay umukit ng mga aníno sa pinturado at sementadong bákod. Muli, ang liwánag ay sinalà ng mga punong mangga at niyog na nakapalibot sa pension; banayad at matikas ang liwánag na ito sa umaga. Nagkaroon ng rikít ang pader, na kadalasan ang tanging turing ay pangharang lamang. Dahil sa mga aníno, waring isang canvas ang hámak na bákod.

Sa pagdalaw na ito, sa aking paglalakad sa lansangan áraw-áraw, sari-saring uri at kalidad ng liwánag ang aking nakatagpo at naka-engkwentro. Sari-saring ganda at tuklás ang isiniwalat ng liwánag ng Pebréro.

Mga Iláng Tagpô sa Únang Dálaw Pagkatápos ng Pandémya

Liwánag sa Pebréro

Some Scenes on the First Visit at the End of the Pandemic

Light in February

Text + Photography © Rey Ventura / © larawanismo.com

5 thoughts on “Liwánag sa Pebréro / Light in February

Comments are closed.